Personal Evangelism

Kailangan ng Tao ang Dios

Ang tao samantalang nabubuhay ay maraming pangangailangan. Nariyan ang materyal, pisikal, emosyonal at higit sa lahat ang espiritwal na pangangailangan na tanging Dios lamang ang makapupuno. Subalit hanggang kailan kailangan ng tao ang Dios? Kung susuriin natin ang pasimula ng pangangailangan ng tao sa Dios, ito ay nagpasimula sa pagkakaroon niya ng buhay, sapagkat sa Dios nagmula ang buhay ng lahat at hininga ng bawat tao.

“Nasa kamay niya ang kaluluwa ng bawat bagay na may buhay, at hininga ng lahat ng mga tao.”-Job 12:10

Gayunpaman, ang sabi ng Mangangaral ay may panahon  ng kapahamakan, at panahon ng kamatayan (Ecclesiastes 3:3).

Dahil dito nangangailangan ang tao ng katiyakan sa paroroonan ng kaniyang buhay sakaling matapos ang katakdaan sa kaniya. Ang buhay ng tao ay inilalarawan ng Banal na Kasulatan sa maraming bagay na mahihina at marurupok.

“Ang taong ipinanganak ng babae ay sa kaunting araw, at lipos ng kabagabagan. Siya’y umuusli gaya ng bulaklak, at nalalagas: siya rin  nama’y tumatakas na gaya ng anino, at hindi namamalagi.”-Job 14:1-2

May mga tao na sa panahon na walang bumabagabag sa kanilang karamdaman o sa kasaganaan ng pamumuhay at maraming mabubuting bagay ang nasa kanila, ay wari nalilimutan ang Dios na lumikha sa kanila. Hindi lamang nalilimutan kundi nagpapakabuyo pa sa kasalanan. Ang ipinamumuhay at sinusunod sa buhay ay hindi ang nais ng Dios kundi ang kanilang sariling nasa at kalooban.

Kung kailan sila nasa gipit na kalagayan ng buhay gaya ng sakit na malubha at iba pang bagay na magdadala sa kapahamakan ay saka sila lalapit sa Dios. Hahanapin nila ang Dios sa panahon ng kanilang kadalamhatian na parang ang Dios ay madaling kalabitin, subalit taliwas sa iniisip ng tao ang salita ng Dios.

“Kundi inyong inuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway: ako naman ang tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako’y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating; pagka ang inyong takot ay dumarating na parang ipu-ipo; pagka ang hirap at hapis ay dumarating sa inyo. Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, ngunit hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, ngunit hindi nila ako masusumpungan.”- Kawikaan 1:25-28

Kadalasan ang nais ng mga tao ay pagpalain sila ng Dios o kaya ay pagalingin sa kanilang karamdaman o tumanggap ng mga mahahalagang bagay. Subalit ang Panginoon ay mayroong unang pinapahanap,

“Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” – Mateo 6:33

Ang Dios kapag maglalagay ng Kaniyang paghahari sa tao ay sa puso Niya ito inilalagay.

“Ni sasabihin man nila, Narito! O Nariyan! Sapagkat narito, ang kaharian ng Dios ay nasa loob ninyo”-Lucas 17:21

Ang dahilan kung bakit sa puso ay sapagkat ang puso ay malayo  sa Dios, walang kabuluhan ang sinasabi ng kaniyang bibig, gaano man kaganda ang kaniyang pananalita (Mateo 15:8-9).

At hanggang sa huling sandali ng buhay ay kailangan ng tao ang Dios, sapagkat siya ay nakatalaga sa lugar ng walang hanggang kaparusahan dili’t iba ang impyerno. At dapat nating tandaan na hindi ito ibinigay ng Dios sa tao, kundi ito ay bunga ng kaniyang maling pagpapasya sa buhay at kabayaran ng kaniyang kasalanan. Ang ibinigay ng Dios sa tao na sumasampalataya  sa Kaniya ay kaligtasan, ang buhay na walang hanggan na kasama Siya.

“At ito ang patotoo, na tayo’y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak. Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay.”- I Juan  5:11-12

Sa kalakhan ng biyaya ng Dios maging ang pinakamahalaga  sa Kaniya ay hindi naipagkait o naipagdamot sa atin kundi buong laya na ibinigay sa ating upang maging ating kaligtasan. Ito’y walang iba kundi ang Panginoon.

“Siya na hindi ipinagkait ang kaniyang sariling anak, kundi ibinigay para sa ating lahat, bakit hindi naman ibibigay sa atin ng walang bayad ang lahat ng mga bagay?”-Roma 8:32

Meron ka na bang katiyakan ng kaligtasan ng buhay at ng buhay na walang hanggan? Anak ka na ba Dios at tumanggap na ng pag-aaring ganap sa Kanya?

Kung wala ka pa ng katiyakang ito, ay magpasimula ka sa unang hakbang. Pananampalataya, pagtanggap sa Panginoon bilang tagapagligtas, pagsisisi at pagbabautismo. Kapag nasa iyo na ang mga ito ay humahakbang ka sa pangalawa. Simulan mong dumalo sa mga banal na gawain ng ating Panginoon.Dito mo mararanasan ang pagiging malapit sa Panginoon at ang presensiya ng Kaniyang Banal na Espiritu.

At kung naibigay Niya sa atin ang katiyakan sa buhay na pang walang hanggan, tunay na hindi rin mahirap na maibigay Niya ang maliliit na bagay na ating kailangan sa pang-araw-araw. Kailangan ng tao ang Dios. Kailangan mo Siya ngayon, naghihintay Siya sa iyo.

Comments