Personal Evangelism

Bakit ang Evangelio ay Kinakailangang Ipangaral sa Lahat ng Kinapal?

By Apostle Arsenio T. Ferriol

Ang kinapal na tinutukoy sa talata ng Banal na Kasulatan ay ang lahat ng tao na nilikha ng Dios ay ayon sa Kanyang wangis. Ito ay sinusuhayan ng katotohanang isinasaad sa I Tesalonica 5:23 kung saan ang sabi,

 

“At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagbalik ng ating Panginoong Jesucristo”

Ano bang kaligtasan itong tatamuhin ng kinapal na sumasampalataya? Sa 1 Juan 3:8 ay ganito ang ating mababasa;

“Ang gumagawa ng kasalanan ay sa diablo; sapagka’t buhat pa nang pasimula ay nagkakasala ang diablo. Sa bagay na ito’y nahayag ang Anak ng Dios, upang iwasak ang mga gawa ng diablo”

Ang nabubuhay sa kasalanan ay nabubuhay sa pagsalangsang sa utos at kalooban ng Dios. Gayundin, ang nabubuhay sa sanglibutan ay nabubuhay sa kasalanan. Sapagka’t ang nasa sanglibutan ay ang mga taong napopoot sa evangelio o sa Salita ng Dios gaya ng isinasaad sa 1 Juan  2:15-16.

Samakatuwid, ang kaligtasan ay mula sa mapanirang epekto ng kasalanan. At tanging si Cristo lamang ang may kakayahang magwasak nito at sa sumpang kaakibat nito. Sa papaanong paraan nangyayari ito? Ang pahayag sa 1 Tesalonica 1:5

“Kung paanong ang aming evangelio ay hindi dumating sa inyo sa salita lamang, kundi sa kapangyarihan din naman, at sa Espiritu Santo, at sa lubos na katiwasayan; na gaya ng inyong nalalaman kung anong pagkatao namin ang aming ipinakita sa inyo dahil sa inyo.”

Ito ay sinusuhayan din sa Lucas 4:7-8,

“Kaya nga kung sasamba ka sa harapan ko, ay magiging iyong lahat. At si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Nasusulat,  Sa Panginoon mong Dios sasamba ka,  at siya lamang ang iyong paglilingkuran.”

Kaya’t ang tunay na evangelio ay ipinapangaral sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na siyang naguudyok sa mangangaral na siya’y mangaral ng mabuting balita. At kapag ang tagapangaral ay may bahid ng Banal na Espritu, ang Banal na Espiritu din ay pumapasok sa taong sumasampalataya at ang masamang espiritu ay ginagapos (Mateo 12:28-29).

Samakatuwid, ito ang ibig sabihin na ang mga sumasampalataya ay ligtas na. Sa oras na siya ay sumasampalataya, ang masasamang espiritu na nasa kaniya ay wala na kaya’t ang taong yaon ay lalaya sa pagkaailipin ng masamang espiritu at mananatiling gayon.

Bukod sa paglaya sa pagkaalipin ng masama, ano pa ang tinatamo ng taong sumasampalataya sa evangelio?

“Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”-Juan 3:16

Ang sinomang may kaligtasan ay hindi na parurusahan. Anong parusa ang inalis ng Panginoon sa mga naliligtas? Pansinin natin ang pangyayari sa pulubing si Lazaro at sa mayaman. Sa Lucas 16:22 -23

“At nangyari, na namatay ang pulubi at siya’y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham: at namatay naman ang mayaman, at inilibing; At sa Hades na nasa pagdurusa ay itiningin niya ang kaniyang mga mata, at natanaw sa malayo si Abraham, at si Lazaro ay nasa kaniyang sinapupunan.”

Narito, iba ang napuntuhan ng mayaman. Ito ay ang tinatawag na kamatayan. Ang kamatayan na ito ay ang pagkahiwalay sa Dios sapagka’t ang sinomang namamatay na makasalanan ay ibunubulid sa apoy ng parusa.

Si Abraham at Lazaro ay nasa paraiso ngunit ang mayaman ay sa apoy dahil siya ay nabuhay sa kasalanan. Ano ang kaniyang kasalanan? Ang kaniyang kasalanan ay kawalan niya ng interes sa mga bagay na nuukol sa Dios. Walang sinasabi kung anong mayroon siya. Maaaring mayroon siyang paganong relihiyon ngunit ang relihiyon ay hindi nakapagliligtas. Si Cristo lamang ang Tagapagligtas.

Kaya’t ano ang sinasabi ng Banal ng Kasulatan kapag ang tao ay sumampalataya?

“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita , at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan”-Juan 5:24

Wala na siyang kamatayan. Inilipat na siya mula sa kamatayan patungo sa buhay.

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya; At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi  mamamatay magpakailan man. Sinasampalatayanan mo baga ito?”-Juan 11:25-26

Ang susunod na tatanggapin ng taong sumampalataya at tumanggap ng kaligtasan ay ang pagasa na  maaaring hindi na niya maranasan pa ang pisikal na kamatayan. Ito ay dahil sa pagparito ng Panginoon ay kukunin niya ang mga ligtas upang makasama Niya sa kanyang kaharian.

“Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay, at ang mga nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man. Kaya’t mangagaliwan kayo sa isa’t isa ng mga salitang ito.” -1 Tesalonica 4:16-18

Kapag ang mangangaral ng Dios o mga sugo ng Dios ay mangaral ng mabuting balita, si Cristo ay kasama nila kaya nga sabi ng Panginoon.

“Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.”-Mateo 28:20

Napakapalad ng isang taong ligtas na. Kaya nga ang evangelio ay ipinapangaral ng mga tunay na mangangaral ng Dios, sa lahat ng kinapal. Ang kanilang pangangaral ay may dalang biyaya.

“At yamang kalakip niyang gumagawa ay ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Dios na walang kabuluhan. Sapagka’t sinasabi niya, Sa panahong ukol kita’y pinakinggan, At sa araw ng pagliligtas kita’y sinaklolohan: Narito, ngayon ang panahong ukol; narito, ngayon ang araw ng kaligtasan -2 Corinto 6:1-2

 

 

 

 

Comments