Personal Evangelism

Ang Kagalakang Hindi Nabibili ng Kayamanan

Bukod sa kayamanan, isa sa hinahanap at pinakananasa ng tao ay ang maging masaya. Bata man o matanda, mayaman man o mahirap, maging ano man ang antas ng buhay, lahat ay naghahanap ng kasiyahan at kagalakan. Kagalakan sa pag-aaral, sa pakikipagkaibigan, sa trabaho, sa makakasama sa buhay at iba pa. Sabi nga nila, “ aanhin pa ang maraming pera kung hindi naman ako masaya.” Subalit iba’t iba ang kahulugan o kulay ng kagalakan para sa bawat tao. Depende o relatibo sa nagsasalita ng kahulugan nito.

KAHULUGAN NG KAGALAKAN

Ang maka-mundo o maka-lupang kalagayan ay isang uri ng kagalakan kung saan ang tao ay masaya o nakangiti ngunit mababa o walang lalim. Masaya daw siya sapagkat kahit nakagawa siya ng masama ay hindi naman daw siya nahuli o naparusahan. Mayroon naman na ayaw daw tigilan at iwanan ang kalayawan kahit alam niyang makakasama sa kaniya at sa kanyang kapwa sapagkat “dito ako masaya.” Mayroon ding ang kagalakan ay ang mapasaya ang kaniyang pamilya o ibang tao sa kaniyang pagtulong o pagkakawanggawa. Karangalan at promosyon o pag-antas sa kabuhayan ang panukat naman ng iba sa kagalakan. Subalit ito nga ba ang tunay na kagalakan? Ang kagalakan bang ito ang dapat ipagmalaki ng tao?

Sa lahat ng ito ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo na mayroong tunay na kagalakan. Ang kagalakang hindi mabibili ng salapi, ang kagalakang higit pa sa ngiti o tawa, kagalakang hindi dahil sa karangalan o pagtulong sa kapwa. Ito ang kagalakang mula sa Dios, ang kagalakang bunga ng Espiritu.

“Datapuwa’t ang bunga ng Espritu ay pag-ibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat...”-Galacia 5:22

Ang maka-Dios na kagalakan ay malalim at hindi lamang basta masaya. Ito ang kagalakang dulot ng Espiritu sa ating buhay. Ito’y hindi sinusukat sa dami ng salapi at pagtatagumpay sa buhay.

“Sapagka’t ang kaharian ng Dios ay hindi pagkain at pag-inom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa Espiritu Santo.”- Roma 14:12

Sa Ecclesiastes 2:10-11, sinasabing ang katotohanang ito ay naranasan ni Haring Solomon.

“At anomang ninanasa ng aking mga mata ay hindi ko ipagkakait: hindi ko pinigil ang aking puso sa anomang kagalakan, sapagkat nagagalak ang aking puso sa lahat kong Gawain; at ito ang aking bahagi na mula sa lahat kong gawain. Nang magkagayo’y minasdan ko ang lahat ng mga gawa, na ginawa ng aking mga kamay, at ang gawain na aking pinagsikapang gawin; at narito, lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala, at walang pakinabang sa ilalim ng araw.”

Si Haring Solomon na siyang pinakamatalino at pinakamayamang tao sa kaniyang panahon ay hindi ipinagkait ang anomang ninanasa ng kaniyang mata dahil nais niyang maging masaya ngunit nakakalungkot ang dulo ng lahat ay walang kabuluhan. Subalit sa Ecclesiastes 2:26, sinasabi na ang kagalakan ay bigay ng Dios.

“Sapagkat ang tao na kinaluluguran niya, binibigyan ng Dios ng karunungan, at kaalaman, at kagalakan: ngunit ang makasalanan ay binibigyan niya ng damdam, na magpisan at magbunton, upang maibigay sa kaniya na kinaluluguran ng Dios...”

Ito ang kagalakang hindi mabibili ng kayamanan, kagalakang inilagay ng Dios sa ating puso, higit sa tinatangkilik ng sinoman.

“Ikaw ang naglagay ng kasayahan sa aking puso. Na higit kay sa kanilang tinatangkilik nang ang kanilang butil, kanilang alak ay magsidami. Payapa akong hihiga at gayon din matutulog: Sapagka’t ikaw, Panginoon, pinatatahan mo akong magisa sa katiwasayan.”-Awit 4:7-8 Bakit nilagay ng Dios sa ating puso ang kagalakan? Saan nais ng Dios na tayo ay magalak?

KINAUUKULAN NG TUNAY NA KAGALAKAN

Kung mayroon man tayong unang ikagagalak, ito ay ang pinakamahalagang kagalakan – ang kagalakan ng pagliligtas.

“At sa araw na yaon ay iyong sasabihin, Ako’y pasasalamat sa iyo, Oh Panginoon; sapagkat bagaman ikaw ay nagalit sa akin ang iyong galit ay napawi, at iyong inaliw ako. Narito, Dios ay aking kaligtasan: ako’y tiwala at hindi ako matatakot: sapagkat ang Panginoon si Jehova ay aking kalakasan at awit; at siya’y naging aking kaligtasan. Kaya’t ako’y iigib ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan.”-Isaias 12:1-3

“Gayon ma’y huwag ninyong igagalak ito, na ang mga espiritu ay nagsisisuko sa inyo; kundi inyong ikagalak na nangasusulat ang inyong mga pangalan sa langit.”-Lucas 10:20

“At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagkat narito dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan: Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.” Lucas 2:10-11

Ang tunay na kagalakan ng mga anak ng Dios ay dahil sa pagliligtas na ating nararanasan. Kagalakang magdadala sa atin upang dakilain ang Dios na tulad ng ginawa ni Maria. “At sinabi ni Maria, Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon. At nagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas.”-Lucas 1:46-47

Pangalawa, ang kagalakang maging karamay tayo sa mga hirap ni Cristo. Matapos ng pagliligtas ay ang paglilingkod. Tayo ay iniligtas upang maglingkod. Ang kaligtasan ay libre, ito ay walang bayad kaya’t ito’y sinasabing biyaya (Efeso 2:8-9). At ito’y hindi sa ating mabubuting gawa subalit kailangang magbunga o makita sa atin ang mabuting gawa na inangkin ni Cristo na hindi isang kalungkutan, kundi isang kagalakan.

“Ngayo’y nagagalak ako sa aking mga hirap dahil sa inyo, at aking pinupunan sa akin ang kakulangan ng mga hirap ni Cristo sa aking laman dahil sa Kaniyang katawan, na siyang Iglesia.”-Colosas 1:24

“Kundi kayo’y mangagalak, sapagka’t kayo’y mga karamay sa mga hirap ni Cristo; upang sa pagkahayag ng kaniyang kaluwalhatian naman ay mangagalak kayo ng malabis na galak.”-I Pedro 4:13

Sa mga katotohanang ito ay masabi natin na kung tayo man ay nakagagawa ng may lakas ay sapagkat ang galak ng ating Panginoon ang ating kalakasan. Ito ang kagalakang hindi mabibili ng kayamanan.

Comments